Nadenggoy ng dating app
Dear Dr. Love,
Nadenggoy na naman ako sa dating app. Akala ko nakatisod na ako ng afam. Imagine, araw-araw niya akong tinatawagan at paggising niya sa umaga ay nakakontodo call pa siya sa akin. Umabot pa ng dalawang taon ang tsikahan at harutan namin sa chat.
Pero may red flag na hindi ko agad pinansin: tuwing tinatanong ko kung puwede kaming magkita nang personal, inaaway niya ako. Sabi pa niya, wala raw siyang nakikitang future sa akin dahil sa kakaselos ko. Ang nakapagtataka, sa gabi ay hindi na siya nagre-reply at naka-silent mode lang ang convo namin. Kapag weekends naman, busy raw siya kasama ang mga anak niya.
Minsan gumamit ako ng ibang account at doon ko nabuking na may asawa pala siya — sampung taon na silang kasal. Ngayon ko lang na-realize na ginagawa lang pala niya akong pampalipas ng oras kapag wala ang misis niya.
Nang kinompronta ko siya, ayaw pa ring umamin. Nagseselos na naman daw ako. nagsabi na ako sa kanya na itigil na ang relasyon namin, pero nami-miss ko pa rin siya. Ano ba ang dapat kong gawin para makapag-move on?
Digna
Dear Digna,
Ganyan talaga ang pakikipagsapalaran sa online dating— may mga seryoso, pero marami ring manloloko. Ang mahalaga, natuto ka na ngayon na kilalanin muna nang mabuti ang ka-chat bago mag-invest ng oras at damdamin.
Huwag mong bale-walain ang mga red flag. At higit sa lahat, huwag mong kalimutan ang sarili mong halaga. Hindi ka pampalipas-oras.
Ang tunay na pagmamahal ay hindi itinatago, hindi ikinakaila, at hindi ipinagkakait sa oras.
Kapag handa ka na, darating ang tamang tao na hindi ka lolokohin.
Dr. Love
- Latest



















