Dalagitang may tattoo natagpuang patay!

GOA, Camarines Sur, Philippines — Patay at naagnas na ang isang 15-anyos na dalagita na may tattoo nang matagpuan sa isang masukal na bahagi ng Brgy. Matacla sa bayan ng Goa, dito sa lalawigan kamakalawa ng umaga.
Positibong kinilala ng mga kaanak ang biktima na itinago sa pangalang “Rose”, residente ng Tigaon, Camarines Sur dahil sa suot nitong damit nito at tattoo sa kanyang magkabilang braso nang madiskubre ang kanyang bangkay.
Sa ulat, dakong alas-10:15 ng umaga sa Zone 3, ng nasabing barangay, nagulantang ang tatlong bata na nangunguha ng mulberry fruits nang makaamoy ng masangsang at nadiskubre ang bangkay ng biktima.
Agad na ipinagbigay alam ng mga bata sa mga residente at barangay officials ang pagkakatagpo sa bangkay na mabilis namang humingi ng responde sa mga operatiba ng Goa Municipal Police Station.
Ayon sa mga pulis nasa stage of decomposition na ang bangkay at wala silang makitang sugat na posibleng dahilan nang pagkasawi nito. Matapos na iproseso ng PNP-SOCO ay dinala ang bangkay sa isang punerarya at isinailalim sa awtopsiya para malaman ang naging sanhi nang pagkasawi nito.
- Latest






















