106 barangay sa Cordillera nanganganib sa landslide

BAGUIO CITY, Philippines — Nasa 106 na barangay sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang natukoy na nanganganib sa landslide at flashfloods dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.
Dahil dito, nagbabala ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) Cordillera sa posibleng mga pagguho ng lupa at pagbaha dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat kaya hinihikayat ang mga awtoridad na maghanda sa posibleng evacuations o paglilikas ng mga residenteng maapektuhan.
Naglabas din ng kautusan si MGB-Cordillera regional director Socrates G. Gaerlan sa lokal na pamahalaan ng lalawigan at disaster risk reduction councils para i-monitor ang iba’t ibang lugar partikular na ang mga nakakaranas ng matinding pag-ulan at mga nasa tabing ilog.
Natukoy ng MGB ang 106 high risk barangays sa Cordillera. Ang Benguet ay may 24 landslide prone-areas sa Atok, Bokod, Itogon, La Trinidad, Tublay at Baguio City habang ang Kalinga ang may pinakamalaking konsentrasyon na may 50 areas sa Tabuk City, Pinukpuk at Rizal, partikular sa Brgy. Liwan.
Ang Ifugao ay may 22-high risk areas, sa Aguinaldo at Alfonso Lista habang Mountain Province ay pito sa Paracelis, at ang Apayao ay may tatlo sa Conner.
Inaasahang aabot mula 50-200 millimeters ang posibleng bugso ng ulan sa buong lalawigan sa susunod na pitong araw. — with trainee Chelsea Cuison)
- Latest


















