3 katao nalunod sa baha sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Philippines — Tatlo katao na pinaniniwalaang nasawi dahil sa pagbaha ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Bulacan nitong Sabado.
Ayon kay Manuel Lukban Jr., provincial disaster risk reduction and management officer ng Bulacan, kabilang sa mga nasawi ang isang 15-anyos na lalaki na natagpuan sa Catmon River sa bayan ng Santa Maria.
Narekober din ang katawan ng isang 66-anyos na lalaki sa ilog ng Barangay Sapang Bayan sa Calumpit.
Isa pang hindi pa nakikilalang indibiduwal ang natagpuan din sa Barangay Taliptip sa bayan ng Bulakan.
Dahil sa matinding pagbaha sa Bulacan, 79 barangay pa sa lalawigan ang nananatiling lubog sa tubig-baha na may lalim na mula anim na pulgada hanggang anim na talampakan. Dulot ito ng backflow, pag-apaw ng mga ilog at malalakas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Ayon kay Lukban, hanggang Linggo ng umaga, 26 barangay sa Calumpit ang binabaha. Umabot naman sa anim na talampakan ang tubig sa Barangay Meysulao at Brgy. Gugo.
Mayroon ding 20 barangay sa Malolos City, 13 sa Hagonoy, pito sa Paombong, tig-apat sa Balagtas at Guiguinto, tig-dalawa sa Bocaue at Meycauayan City, at isa sa Bulakan na nananatiling apektado ng baha.
Samantala, 1,755 pamilya o 6,089 indibiduwal ang patuloy na nanunuluyan sa 65 evacuation centers sa buong lalawigan.
- Latest



















