Alex pukpukan na sa training sa New York

MANILA, Philippines — Nasa New York na si Alex Eala para sa inaabangang pagbabalik nito sa US Open.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Eala dahil sumailalim agad ito sa pukpukang ensayo sa Arthur Ashe Stadium kasama ang kanyang team.
Tinututukan ito ni Rafael Nadal Academy coach Joan Bosch habang pumapalo ito. Naglabas pa ng video ang US Open social media habang nagsasanay si Eala sa center court.
“Alex Eala has arrived,” ayon sa post ng US Open.
Umani na ng mahigit 12,000 like ang naturang video ni Eala kung saan hinahasa nito ang kanyang backhand shot.
Sasabak muna si Eala sa mixed doubles event kasama si world No. 4 Felix Auger-Aliassime ng Canada simula Agosto 24.
Matapos nito, magkakaroon ng exihbition match si Eala at kaibigang si Iva Jovic ng Amerika sa Agosto 27.
Magsisimula naman ang main draw ng singles sa Agosto 30 na tatakbo hanggang sa Setyembre 13.
Matagal-tagal din na nakapagpahinga si Eala para makarekober ang katawan nito matapos ang sunud-sunod na laban nito sa hard court season.
Nakatakdang maipormalisa ngayong araw ng Lunes ang No. 18 puwesto nito sa WTA rankings.
Dahil sa kanyang mataas na ranking, sigurado na si Eala na magiging seeded player ito sa US Open main draw.
Pakay ni Eala na malampasan ang second-round finish nito noong nakaraang taon.
Nakapasok sa second round si Eala matapos igupo si Clara Tauson sa iskor na 6-3, 2-6, 7-6.
Ngunit naputol ang ratsada ni Eala nang matalo ito kay Cristina Bucsa, 4-6, 3-6.
Sa taong ito, mas mataas ang moral ni Eala lalo pa’t maganda ang ipinakita nito sa mga nakalipas na torneo.
Nakaabot si Eala sa fourth round ng Wimbledon Championship sa London, England habang nagkampeon naman ito sa Mubadala DC Open sa Washington, DC.
Bago ang US Open, sumalang si Eala sa National Bank Open sa Toronto, Canada kung saan nakasampa naman ito sa third round.
- Latest
















