Justice Please pasiklab sa Hermie Esguerra race
MANILA, Philippines — Pinatunayan ng Justice Please na karapat-dapat itong maging top favorite matapos nitong manalo sa Mr. Hermie Esguerra Trophy Race (SR) na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, kahapon.
Dinala ng Tabby Kat ang bandera matapos nitong humarurot papalabas ng aparato, hinawakan agad ang tatlong kabayong bentahe sa humahabol na Pariasian life.
Umalagwa pa sa apat na kabayo ang lamang ng Tabby Kat sa kalagitnaan ng karera subalit papalapit sa far turn ay rumeremate na ang Angelic Boom at Justice Please.
Malakas at malalaki ang hakbang ng Justice Please kaya pagdating ng home turn ay naagaw na ang unahan, nasa pangalawa ang Angelic Boom habang naupos sa tersero ang Tabby Kat.
Lalong ginanahan ang Justice Please sa rektahan kaya naman tinawid nito ang meta ng may pitong kabayo ang agwat sa pumangalawang Angelic Boom, pangatlo ang Cerveza habang pang-apat ang Savawani.
Sinakyan ni jockey Jommel Lazaro, nirehistro ng Justice Please ang tiyempong 1:23.8 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Marlon Cunanan ang P240,000 premyo.
Nakopo ng Angelic Boom ang P90,000 habang P50,000 at P20,000 ang third at fourth placers na Cerveza at Savawani, ayon sa pagkakasunod sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
- Latest



















