155 armas isinuko, samsam sa Ilocos
MANILA, Philippines — Umaabot sa 155 loose firearms ang isinuko at nasamsam ng mga operatiba ng pulisya sa tatlong araw na anti-criminality at law enforcement operations sa buong rehiyon ng Ilocos mula Agosto 17-19, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 1, ang isinagawang operasyon ng mga elemento ng pulisya sa rehiyon ay bahagi ng Simultaneous Anti-Criminality at Law Enforcement Operations na nagresulta rin sa pagkakaaresto sa apat katao na nahaharap sa kasong kriminal hinggil sa batas na pinaiiral sa mga armas.
Sa kabuuang 155 mga baril na nasa kustodya na ng PRO 1 PNP, 118 dito ay isinurender ng mga sibilyan, 32 ang idineposito muna para sa storage, apat ang nakumpiska sa operasyon ng pulisya at isa naman ang narekober.
Ayon kay PRO 1 Regional Director P/Brig. Gen. Jovencio Badua Jr., ang malaking bulto ng isinukong mga armas sa mga awtoridad ay patunay lamang ng kooperasyon ng komunidad sa pulisya para sa kapayapaan.
Limang operasyon sa loob ng tatlong araw ang puspusang isinagawa ng pulisya para matugunan ang problema sa loose firearms at mapigilan na magamit ito sa mga karahasan.
- Latest






















