Grade 9 student nahulihan ng .357 baril sa loob ng paaralan
MANILA, Philippines — Isang 14-anyos na Grade 9 student ang nahulihan ng walang balang .357 Smith & Wesson Magnum revolver sa kanyang bag sa loob ng Lut-od National High School sa bayan ng Pinamungajan, Cebu, noong hapon ng Huwebes, Agosto 20, 2026.
Batay sa ulat, alas-3:50 ng hapon ay nagsasagawa ng isang surprise bag inspection bilang bahagi ng safety measures ng paaralan ang guro at dito ay nadiskubre ng guro ang baril sa bag ng estudyante.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Cebu Police Provincial Office (CPPO), ang armas ay pagmamay-ari umano ng lolo ng estudyante na kinuha nito sa isang kabinet sa kanilang bahay sa Purok Santol, Barangay Lut-od nang walang pahintulot.
Ang bata ay kasalukuyang nakatira sa kanyang mga lolo at lola dahil ang kanyang mga magulang ay nagtatrabaho sa labas ng bayan.
Agad na nakipag-ugnayan ang pamunuan ng eskwelahan sa lokal na kapulisan upang i-turnover at i-dokumento ang nakumpiskang armas.
Dahil ang sangkot ay isang menor de edad, ang estudyante ay dinala at ipinasakamay sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) habang inaantay ang pagdating ng kanyang mga magulang o guardian, alinsunod sa mga patakaran ng Juvenile Justice and Welfare Act.
Patuloy pa ring imbestigahan ng mga otoridad ang insidente upang malaman ang mas malalim na dahilan kung bakit dinala ng bata ang baril sa klase.
- Latest


















