Lalaki kinatay dahil sa P900 utang!

‘Di nagbayad sa loob ng 3 taon
MANILA, Philippines — Pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang lalaki habang natutulog sa duyan matapos siyang singilin sa kanyang P900 na utang na may tatlong taon nang hindi nababayaran sa Barangay Sto. Domingo, Jones, Isabela, nitong Martes ng madaling araw.
Ang biktima na hindi pa pinangalanan ay nagtamo ng mga tama ng taga ng itak sa ulo at likod na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Nauna sa krimen, sinabi ni Police Major Mervin Delos Santos, hepe ng Jones Police Station, na dumayo ang biktima sa Barangay Sto. Domingo noong Lunes, Agosto 17 at nakipag-inuman sa suspek at iba pa nilang kakilala bandang alas-5 ng hapon.
Sa gitna ng kanilang masayang inuman, biglang siningil ng suspek ang biktima sa utang nitong P900 na matagal nang hindi nito nababayaran na dahilan ng kanilang pagtatalo. Giniit ng biktima na babayaran niya ang kanyang utang at isasampal pa sa mukha nito ang bayad sa harap ng kanilang mga kasama.
Matapos ang inuman, umalis ang biktima at nagtungo sa bahay ng isang kakilala kung saan nakitulog ito sa duyan sa likuran ng bahay. Pasado alas-12:10 ng madaling araw, nagising umano ang may-ari ng bahay na kumakahol ang aso at maingay mula sa labas ng kanilang bahay. Nang lumabas, nakita ang biktima na nakalupaypay na, duguan at wala nang buhay.
Tumakas ang suspek, pero nahuli rin sa hot pursuit operation ng pulisya at sinampahan ng kasong murder. Gayunman, agad siyang pinalaya dahil sa kakulangan umano nang sapat na ebidensya sa pagpatay biktima.
- Latest
















