94-anyos lola tupok sa sunog
MANILA, Philippines — Namatay habang dinadala sa ospital ang isang 94-anyos na lola nang hindi nakalabas sa nasusunog nilang bahay sa Purok-3, Brgy.Tagas, Daraga, Albay, kahapon ng madaling araw.
Ang biktima na nadala pa sa Bicol Regional Hospital and Medical Center nang makuha na walang malay ay kinilalang si Lola Josefa, subalit idineklarang dead-on-arrival.
Sa ulat, ala-1:18 ng madaling araw nang naganap ang sunog habang natutulog ang buong mag-anak.
Nagising na lang umano ang nasa pitong miyembro ng pamilya sa lakas nang pagkatok at sigaw ng isang kapitbahay nang nakitang naglalagablab na ang kanilang bahay.
Dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay nakalabas umano ang anim sa likurang bahagi ng bahay, pero hindi ang 94-anyos na matanda.
Dakong ala-1:53 ay ideneklarang fireout ang sunog na tumupok sa buong bahay at hindi na ito kumalat pa sa mga katabing bahay.
- Latest
















