Ex-Rep. Romero nagretiro na sa AFP Reserve Force
MANILA, Philippines — Pormal nang nagretiro sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Reserve Force si dating 1-PACMAN Party-list Representative at AFP Reservist Brig.Gen. Michael “Mikee” Romero nang isuko niya ang kanyang tungkulin bilang Wing Commander ng Tactical Operations Wing Reserve Northern Luzon, epektibo nitong Agosto 19, 2026.
Sa kanyang liham ng pagreretiro na ipinadala kay AFP Chief of Staff Gen. Antonio Nafarrete, nagpasalamat si Romero sa pamunuan ng AFP at sa mga sundalong nakasama niya sa serbisyo, na aniya ay isang malaking karangalan at pribilehiyong makapaglingkod sa bansa. Bilang mambabatas, naging bahagi rin siya ng pagsusulong ng dagdag-sahod at benepisyo para sa uniformed personnel noong 2018 at ng pondong P22 bilyon para sa pagbili ng tatlong C-130J Super Hercules aircraft ng Philippine Air Force.
Bilang reservist, lumahok si Romero sa mahigit 60 humanitarian missions kabilang ang food assistance, medical at dental missions, educational support, at disaster response na nakatulong sa mahigit 20,000 Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa.
Naging bahagi rin siya ng pagpapalakas ng Association of Reservists and Reservist Administrators of the Philippines (ARRAPI) na lumago sa mahigit 5,000 miyembro sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Bagama’t natapos na ang kanyang serbisyo sa uniporme, sinabi ni Romero na magpapatuloy ang kanyang paninindigan sa public service, national defense at humanitarian work.
- Latest





















