Trader, buntis na misis todas sa sumabog na LPG

MANILA, Philippines — Patay ang isang negosyante at buntis nitong misis makaraang aksidenteng sumabog ang ibinebenta ng mga itong Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa naganap na sunog sa isang public market sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong Miyerkules ng gabi.
Sa report ng Shariff Aguak Fire Marshal, kinilala ang nasawing mga biktima na sina Bacso Abdulgani, may-ari ng Bhasnor Dry Goods na nag-iimbak at nagbebenta ng LPG at misis nitong si Noraisa, ilang buwan ng buntis.
Ayon kay Fire Chief Inspector Ronald Ali Ampang, Maguindanao del Sur Provincial Fire Marshal, nangyari ang insidente sa nasabing pamilihang bayan dakong alas-11:30 ng gabi.
Base sa imbestigasyon, mahimbing na natutulog ang mag-asawa nang mangyari ang sunog na mabilis na kumalat sa market stalls kung saan sumabog ang mga LPG na ibinebenta ng mag-asawa matapos na mag-init na nilikha ng sunog ng gumapang na ang apoy.
Sa nasabing insidente ay sunud-sunod na pagsabog ang gumulantang sa lugar sanhi nang sumabog na LPG na nagpalala nang sumiklab na sunog.
Nasa 10 stalls naman sa loob ng pamilihang bayan ng Shariff Aguak ang naabo sa insidente. Naapula lamang ang sunog matapos magresponde ang mga bumbero at narekober din ang bangkay ng mag-asawa na halos hindi na makilala.
Kasalukuyan pang inaalam at pinagmulan ng sunog at magkano ang nilikha nitong pinsala.
- Latest




















