3 patay sa pamamaril sa CALABARZON
BATANGAS, Philippines — Tatlong magkakahiwalay na insidente ng pamamaril na ikinamatay ng tatlong indibidwal ang naganap sa Batangas, Rizal, at Quezon.
Sa Lipa City, Batangas, patay ang isang 49-anyos na supervisor matapos pagbabarilin ng isang armadong lalaki sa Purok 5, Barangay Rizal, dakong alas-7:15 ng gabi nitong Agosto 19.
Nakarinig ng apat na putok ng baril ang anak at nakita na lamang nito na nakahandusay sa lupa ang ama sa labas ng kanilang bahay. Habang nakatayo sa harap ang suspek na nakasuot ng sombrero at nagpapalit ng magazine ng hawak nitong baril.
Muling pinaputukan ng suspek ang biktima nang dalawang beses bago sumakay sa isang itim na motorsiklo at tumakas patungong Barangay Calamias.
Isinugod ang ama, na nakilala sa alyas na “Elmer,” sa Divine Love Medical Center ngunit, idineklarang dead-on-arrival dakong alas-7:45 ng gabi. Ayon sa report, kinilala naman sa alyas na “Ian” ang suspek.
Samantala, isang hindi pa nakikilalang babae ang nasawi matapos pagbabarilin ng apat na hindi pa nakikilalang suspek sa tabi ng Seminario Church sa Barangay Inarawan, Antipolo City, Rizal, dakong alas-11:55 ng gabi noong Agosto 18.
Nakatayo ang biktima sa lugar nang bigla siyang lapitan at pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo.
Isinugod ang biktima sa Mambugan Hospital ngunit, idineklarang dead-on-arrival. May suot umano itong dog tag na may pangalang “Aiza.”
Sa Candelaria, Quezon, isang 50-anyos na lalaki ang napatay nang pagbabarilin habang nakaupo sa harap ng isang tindahan sa Sitio Cocoma, Barangay Pahinga Norte, dakong alas-9 ng gabi nitong Agosto 19.
Dumating ang suspek at ilang beses na pinaputukan ng short firearm ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan at agad na nasawi.
Tumakas ang suspek, na nakasuot ng dark-colored jacket at shorts, dala ang ginamit na baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa tatlong insidente para matukoy ang motibo at tugisin ang mga suspek.
- Latest

















