Gilas Women dehado sa Canada
MANILA, Philippines — Mas matinding kalaban ang sasagupain ng Gilas Pilipinas Women sa kanilang ikalawang laro sa group stage ng FIBA Women’s Olympic Pre-Qualifying Tournament 2026.
Haharapin ng World No. 30 Gilas Women ang No. 7 Canada ngayong alas-7:30 ng umaga sa Group B sa Arena Astros sa Guadalajara, Mexico.
Isang mapait na 58-61 kabiguan sa host Mexico ang nalasap ng mga Pinay cagers sa pagbubukas ng torneo noong Martes.
Pinaglaruan naman ng mga Canadians ang No. 22 Senegal, 72-57, sa kanilang unang asignatura.
Isinuko ng Gilas Women ni Canadian coach Burke “BT” Toews ang itinayong 15-point lead sa second quarter matapos kumulapso sa dulo ng fourth period laban sa Mexico.
Ayon kay Toews, hindi ito dapat maulit sa pagsagupa nila sa Canada.
“I prefer if everybody takes a few hours to feel bad about the game and really thinks about what it is we have to focus on, where we have to be more meticulous about to continue to be a strong team,” wika ni Toews.
Muling aasahan ni Toews sina Fil-Am point guard Vanessa de Jesus, center Jack Animam, Kacey Dela Rosa, Afril Bernardino, Sophia Dignadice at Jhazmin Joson.
Nakataya sa torneo ang nag-iisang qualifying ticket sa 2028 FIBA Women’s Olympic Qualifying Tournaments para sa Olympic Games sa Los Angeles, USA.
- Latest





















