‘Dotoku discipline’ ipatupad sa mga paaralan
MANILA, Philippines — Gamitin ang konsepto ng Dotoku o moral education ng Japan bilang bahagi ng programang Clean Schools, Clean Communities upang matugunan ang problema sa littering.
Ito naman ang rekomendasyon ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos sa mga local government unit (LGU) sa Metro Manila dahil hindi umano sapat ang batas, multa, at enforcement upang malutas ang lumalalang problema sa basura. Kailangang turuan ang mga bata at kabataan ng disiplina, pananagutan, kalinisan, paggalang sa kapwa, at kapaligiran.
Kasunod ito ng pagkilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa problema sa basura sa Metro Manila matapos niyang inspeksyunin ang “dagat ng basura” sa reclaimed area ng Manila Bay malapit sa Baclaran Church sa Parañaque City. Binigyang-diin ng Pangulo na kailangan ding tiyaking may sapat na basurahan at maayos na sistema ng pangongolekta at pagtatapon ng basura.
Ani ni Santos dapat magsabay ang education at enforcement, kabilang ang pagtuturo ng waste segregation, recycling, at environmental responsibility sa mga paaralan, katuwang ang DepEd, LGU at barangay. Makatutulong din aniya ito sa kanyang panukalang “Garbage Police” sa 17 LGU ng Metro Manila upang makabuo ng kulturang ang pagpapanatiling malinis ng komunidad ay responsibilidad nang lahat.
- Latest



















