Alex tututok na sa US Open

MANILA, Philippines — Sesentro na ang paghahanda ni Pinay netter Alex Eala sa prestihiyosong US Open na idaraos sa New York mula Agosto 30 hanggang Setyembre 13.
Maagang nasibak si Eala sa Cincinnati Open kung saan nakaabot ito sa third round ngunit yumuko ito kay world No. 10 Amanda Anisimova ng Amerika sa iskor na 6-4, 4-6, 2-6.
Magandang pagkakataon ito para kay Eala dahil makakapagpahinga ito ng mahaba at makakapaghanda ng husto.
Galing si Eala sa pukpukang laban sa mga nakalipas na linggo.
Nagsimula ito sa Wimbledon sa London, England kung saan umabot din ito sa fourth round.
Sinundan ito ng kanyang matikas na kampanya sa Mubadala DC Open sa Washington, DC.
Nasungkit ni Eala ang kanyang kauna-unahang WTA Tour title nang igupo si Jessica Pegula sa finals ng Mubadala DC Open.
Matapos nito, agad na tumulak si Eala sa Toronto, Canada para sa National Bank Open.
Sumampa rin si Eala sa fourth round ng National Bank Open pero natalo ito kay Belinda Bencic ng Switzerland.
Bago ang fourth round, nagtamo na si Eala ng sprain sa kanyang kanang paa sa kanyang third-round match kay Cat McNally ng Amerika subalit itinuloy pa rin nito ang laban at nakuha ang panalo.
Ramdam ang mabagal na galaw ni Eala sa laro nito kontra kay Bencic.
Kaya naman para sa ilang netizens, isang blessing in disguise ang maagang exit ni Eala sa Cincinnati Open upang makapagpahinga ito para sa mas importanteng laban sa US Open — ang pinakahuling grand slam event sa taong ito.
Base sa kasalukuyang puwesto ni Eala sa WTA live rankings, isa ito sa magiging seeded players.
Kung hindi magbabago ang rankings, uupuan ni Eala ang No. 18 puwesto sa oras na ilabas ng WTA ang bagong official rankings nito sa Lunes.
Tanging ang Top 32 players lamang ang magiging seeded sa US Open.
Sa 2026 Wimbledon, hawak ni Eala ang No. 29 seed sa draw.
- Latest


















