2 inaresto sa pekeng ayuda ni Dasmariñas Mayor Barzaga
MANILA, Philippines — Dalawang lalaki ang inaresto nitong Linggo dahil sa pamamahagi ng pekeng ayuda sa mga residente ng Barangay Sabang, Dasmariñas City, Cavite na nakapangalan kay Mayor Jennifer Austria-Barzaga.
Ayon sa pulisya, nakasaad sa mga leaflet na maaaring makakuha ang mga residente ng 10 kilo ng bigas at dalawang grocery bags bilang calamity relief package mula kay Barzaga, at kailangang dalhin ang claim stub sa city hall.
Nang beripikahin ng lokal na pamahalaan ay walang awtorisadong relief program o claim stub kaya itinuring na unauthorized propaganda ang mga materyal.
Aktuwal umanong nakita ng mga awtoridad ang dalawang suspek na sina alyas Rafael, 49; at Bernard, 45, kapwa delivery rider at residente sa Laguna namamahagi ng leaflet kaya sila ay inaresto habang nasa loob ng kanilang van, ang pitong kahon, at isang bag na puno pa ng naturang materyales.
Habang pitong menor- de-edad ang nasa van at umano’y ginagamit sa pamamahagi ng leaflet ay dinala sa City Social Welfare and Development (CSWD) Office para sa kaukulang intervention.
Kinasuhan ang dalawang suspek ng paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code, unlawful utterance, at Omnibus Election Code, habang patuloy namang tinutugis ang isa pang lalaking tinukoy na Badong na umano’y sangkot din sa pamamahagi.
- Latest

















