Tamad, burara ang girlfriend
Dear Dr. Love,
Nabighani agad ako sa ganda ng aking nobya noong una pa lamang kaming magkakilala.
Bukod sa kanyang kaakit-akit na anyo, siya rin ay napakatalino at laging pinupuri sa aming trabaho. Dahil dito, nagpasya kaming magsama sa iisang bubong para mas lalo kaming mapalapit ang isa’t isa.
Pero nadismaya ako nang makita ko ang tunay niyang pagkatao. Oo, hindi matatawaran ang kanyang ganda, talino, at abilidad. Pero sa likod ng lahat ng iyon, siya ay napakaburara.
Marunong nga siyang magluto, ngunit ang simpleng paghuhugas ng pinggan ay inaabot pa ng kinabukasan o ilang araw bago niya gawin.
Ang resulta, ako pa ang napipilitang maghugas ng mga kalat at tiisin ang amoy ng lababo.
Hindi rin siya marunong maglaba at nais lamang ipa-laundry ang lahat, kahit kami’y nagtitipid dahil sa mga bayarin at gastusin. Unti-unting nawala ang paghanga ko sa kanya. Nadismaya ako sa kanyang katamaran at kawalan ng malasakit sa gawaing bahay.
Dahil dito, iniisip ko na talagang ibalik siya sa kanyang mga magulang. Gusto ko nang maki-paghiwalay, dahil akala ko’y nakatagpo na ako ng babaeng magiging katuwang ko sa buhay.
Para bang kumuha lang ako ng batong ipupukpok sa aking ulo. Ano nga ba ang silbi ng ganda, kung ako naman ang gumagawa ng lahat sa bahay dahil sa pagiging spoiled brat ng aking nobya? Tama ba ako?
Marcus
Dear Marcus,
Malinaw na mabigat ang dinadala mo. Ang hinaing mo ay hindi lang tungkol sa pinggan o labada, kundi sa pakiramdam na mag-isa mong pasan ang responsibilidad sa inyong pagsasama.
Naiintindihan ko ang pagkadismaya mo, lalo na’t inaasahan mong katuwang sa buhay ang makakasama mo, hindi dagdag na pabigat.
Bago ka magdesisyon ng hiwalayan, subukan mong ilatag sa kanya ang lahat ng nararamdaman mo.
Hindi sa tono ng galit, kundi sa tono ng pag-asa na magbabago. Minsan, hindi agad nakikita ng tao ang epekto ng kanilang asal sa kapareha.
Maaari kayong magtakda ng malinaw na hatian ng res-ponsibilidad. Kung siya ay mahusay sa pagluluto, baka ikaw sa paghuhugas ng pinggan, pero dapat may effort din siya sa ibang gawaing bahay.
Ang pagiging “spoiled” ay bunga ng pagpapalaki, hindi agad kasalanan ng tao. Pero nasa kanya pa rin ang responsibilidad na mag-adjust bilang partner.
Kung matapos ang lahat ng pag-uusap ay hindi pa rin siya handang magbago, doon mo masusukat kung kaya mo pang ipagpatuloy ang relasyon.
Ang ganda at talino ay bonus lang; ang tunay na mahalaga ay ang katuwang sa hirap at ginhawa.
Dr. Love
- Latest

















