Jaja pasikat sa panalo ng Creamline

MANILA, Philippines — Hinataw ni Jaja Santiago-Minowa ang huling puntos ng laro para sa 25-18, 25-20, 25-15, 20-25, 15-9 paglusot ng Creamline sa Choco Mucho sa ‘Rebisco Sisterhood Showdown’ sa Aquilino Pimentel International Convention Center noong Linggo sa Cagayan de Oro.
Ang five-set exhibition match ng Cool Smashers at Flying Titans ay ang unang paglalaro ng 6-foot-5 middle blocker sa bansa matapos ang limang taon.
Huli siyang naglaro sa Premier Volleyball League (PVL) noong Agosto 13, 2021 kung saan niya iginiya ang Chery Tiggo sa five-set win laban sa Creamline sa inaugural conference — isang bubble tournament sa Bacarra, Ilocos Norte.
Hindi sumalang sina Alas Pilipinas members Jia de Guzman at Jen Nierva ng Cool Smashers at Eya Laure at Dawn Catindig ng Flying Titans.
Nakatakdang maglaro ang 30-anyos na si Santiago-Minowa sa darating na 2026 PL Invitational Conference.
Nakakuha na si Santiago-Minowa, isang Japanese citizen matapos mapangasawa si Alas Pilipinas coach Taka Minowa, ng professional license mula sa Games and Amusements Board (GAB) para maisuot ang Creamline jersey sa paparating na torneo.
Matapos ang PVL Invitational Conference ay magtutungo si Santiago-Minowa sa United States para lumaro sa San Francisco Signal team sa League One Volleyball.
- Latest























