Gilas Boys abante sa qualification

MANILA, Philippines — Mula sa four-point deficit sa halftime patungo sa 29-point win.
Ito ang ginawa ng Gilas Pilipinas Boys sa 91-62 demolisyon sa Thailand patungo sa qualification para sa quarterfinal round ng 2026 FIBA U18 Asian Championships kahapon sa Veer Savarkar Indoor Stadium sa Ahmedabad, India.
Umiskor si Luke Edward Atacador ng 16 points kasama ang tatlong three-point shots para sa 2-1 record ng Nationals sa Group A, habang may tig-15 markers sina center Elias Troy Gish at guard George Aldan Green.
Nagdagdag si Kenji Moral ng 12 points para sa pagbangon ng Nationals mula sa naunang 69-107 kabiguan sa nagdedepensang Australia (3-0).
Sibak ang Thailand sa kanilang 0-3 marka.
Ang top team sa Group A, B, C at D pagkatapos ng preliminary stage ang sasampa sa quarterfinals, habang ang second at third placers ang lalaro sa qualification para sa huling apat na quarterfinal berths.
Matapos kunin ng Thailand ang halftime lead, 44-40, ay naagaw ng Gilas Boys ang 50-47 abante sa third period.
Ang triple ni Charan Sirisuntorn ang nagtabla sa Thailand sa 50-50 sa 5:17 minuto ng nasabing yugto
Isang 22-0 bomba ang inihulog ng Gilas Boys para ilista ang 72-50 bentahe sa pagtatapos ng nasabing yugto bago ikarga ang 87-52 kalamangan matapos ang dalawang free throws ni Green sa huling 4:22 minuto ng fourth quarter.
- Latest























