Multicab nag-dive sa bangin: 2 dedo, 10 sugatan

Outreach mission nauwi sa trahedya
COTABATO CITY, Philippines — Dalawa katao ang patay habang 10 pa ang malubhang nasugatan nang magpagulung-gulong at mag-dive sa bangin ang kanilang sinasakyang pick-up type multicab na galing sa outreach mission sa Sitio Mudon, Barangay Upper Sepaka, Surallah, South Cotabato nitong Sabado.
Sinabi ni Leonardo Ballon, hepe ng Surallah Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, at mga barangay officials kahapon na ang insidente ay naging sanhi ng pagkamatay ng driver ng nasabing multicab na kinilalang si Joey Areglado, at isa sa kanyang pasahero na si si Marilyn Antonio.
Kinumpirma rin ni Ballon at ng mga imbestigador ng Surallah Municipal Police Station na 10 pang pasahero ng multicab ang nagtamo ng matitinding sugat at bali sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan na ngayo’y pawang nilalapatan ng lunas sa ospital.
Lumalabas sa imbestigasyon na lahat ng mga biktima, na mula sa Seventh-Day Adventist community sa Surallah, ay pauwi na sa kanilang mga tahanan mula sa isinagawang outreach mission sa Barangay Upper Sepaka, nang bigla umanong mawalan ng kontrol si Areglado sa minamanehong multicab nang biglang pumalya ang makina nito.
Sinabi ng mga saksi sa mga barangay officials at police investigators na nakita nilang nagpagewang-gewang muna ang multicab at biglang lumihis sa gilid ng kalsada saka mabilis na nagpagulong-gulong bago nag-landing o lumipad pababa sa bangin na may 20-metro ang lalim.
- Latest




















