Alas Girls sumadsad sa Venezuela

MANILA, Philippines — Nakatikim muli ng kabiguan ang Alas Pilipinas Girls matapos nilang yumuko sa pangalawang pagkakataon kontra Venezuela, 22-25, 15-25, 25-20, 22-25, sa classification round ng FIVB Girls’ U17 World Championship na nilaro sa Santiago, Chile, kahapon.
Nagpakita ng tikas ang Alas Girls, sinisikap nilang makasabay sa galing ng Venezuela pero hindi na sindak ang huli at binigo nila ang una sa asam na makahirit ng deciding fifth set.
Suportado ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at Asics, nalaglag ang batang Nationals sa battle for 15th place kung saan ay makakalaban nilang ngayon ang Czechia.
Pinamunuan ni Amanda Pacheco Gonzales ang opensa para sa Venezuela sa nilistang 17 points mula sa 15 kills, at tig-isang block at service ace, bumakas si Yalesca Colina Lezama 15 markers habang 11 ang kinana ni Fabianny Carima.
Tumikada si Xyz Rayco ng 15 points kasama ang 11 spikes, tatlong service aces, at isang block para sa Alas Girls habang nag-ambag si Caera Celis ng 14 puntos.
Tumulong din sa opensa para sa Alas Girls si Jello Mauricio na may siyam na puntos.
Sa unang pangharap ng Alas Girls sa preliminary round, yumuko din sila sa Venezuela, 19-25, 16-25, 25-22, 25-19, 11-15 kaya naman tinapos nila ang 2-3 karta sa Pool B na hinawakan ng defending champion China ang top seeding sa nirehistrong 5-0 baraha.
Nakasilo ng history ang Alas Girls matapos nilang umabante sa Round of 16.
- Latest

















