Unified 911, umaarangkada sa Western Visayas!
“Isang tawag, agarang responde!” Binigyan-diin ni PRO6 director Brig. Gen. Randulf Tuaño ang kahalagahan ng Unified 911 bilang mabilis, mas maayos, at mas opisyenteng pagtugon sa mga emergency, kasunod ng pag-activate ng Unified 911 Satellite Command Center sa Leganes, Iloilo.
Ayon kay Tuaño, ang tagumpay ng Unified 911 ay hindi lamang nakasalalay sa teknolohiya kundi higit sa lahat sa dedikasyon at malasakit ng bawat responder. “Ang bawat tawag ng tulong ay pagkakataon para makapagligtas ng buhay at makapagbigay ng pag-asa. Inaasahan ko na ang bawat pulis at responder ay kikilos nang may agarang aksyon, magpapakita ng paggalang sa bawat tumatawag, at maglilingkod nang may tunay na malasakit,” ani Tuaño.
“Sa likod ng bawat emergency call ay may isang tao, isang pamilya, o isang komunidad na umaasa sa atin. Dapat laging sumasalamin ang ating pagtugon sa propesyonalismo, malasakit, at taos-pusong paglilingkod sa bayan,” ang dagdag pa niya. Mismooooo! Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Mula nang maging ganap na operasyon ang sistema, patuloy nitong pinabubuti ang emergency response sa buong Western Visayas. Batay sa tala ng PRO6, nakatanggap ang Unified 911 ng kabuuang 219 emergency calls, na pawang agad na naaksyunan, na may average response time na 4.98 minuto. Bunga rin ng mga operasyong isinagawa, dalawang indibidwal ang naaresto sa magkahiwalay na insidente habang naipagkaloob ang agarang tulong sa mga nangangailangan.
Sa kanyang mensahe sa kanyang mga tauhan, sinabi ni Tuaño, na higit pa sa isang emergency hotline ang Unified 911. “Habang kinikilala natin ang ating mga natatanging kawani, nais ko ring bigyang-diin ang isa sa pinakamahalagang programa ng DILG, katuwang ang PNP at iba pang emergency response agencies—ang Unified 911,” aniya. “Isa itong pangako ng pamahalaan na ang bawat Pilipinong nangangailangan ng agarang tulong ay makatatanggap ng mas mabilis, mas mahusay, at mas maayos na emergency response,” ani Tuaño. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Hinimok din ni Tuaño ang publiko na gamitin nang responsable ang Unified 911 sa pamamagitan ng pagtawag lamang para sa mga totoong emergency at pagbibigay ng tama at kumpletong impormasyon upang mapabilis ang pagresponde ng mga awtoridad. Ipinaalala rin niya na ang pag-iwas sa prank o hoax calls. Abangan!
- Latest

















