Pagbabayad ng buwis pinalawig ng BIR
MANILA, Philippines — Pinalawig pa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang deadline sa paghahain ng pagbabayad ng buwis dahil sa nagdaang habagat na nagdulot ng mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Base sa Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 95-2026, sa halip na hanggang Agosto 17, maaari nang magbayad ng specified tax filing, payment, remittance, registration, hanggang sa Agosto 18.
Saklaw rin ng circular ang mga naapektuhan ng technical unavailability ng eBIRForms Offline Package.
Para sa mga taxpayers na apektado ng eBIRForms technical issues ay maaari namang mag-comply ng hanggang Agosto 18 nang walang penalty.
Ayon kay Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, naglabas na rin sila ng Bank Bulletin kung saan inaatasan ang authorized agent banks (AABs) na tanggapin ang bayad hanggang sa Agosto 18 nang walang penalty kabilang na ang mga naapektuhan ng habagat at unavailability ng eBIRForms Offline Package.
Nilinaw ng BIR na ang mga taxpayer na kinakailangang gumamit ng Electronic Filing and Payment System (eFPS) at hindi saklaw ng RMC No. 89-2026 ay hindi kasama sa nasabing extension. Dahil dito, kailangan pa rin nilang gamitin ang eFPS sa paghahain ng kanilang tax returns at pagbabayad ng mga kaukulang buwis.
- Latest



















