EDITORYAL — Trabaho, kailangan ng mga Pilipino
MAGANDANG pakinggan ang ulat na tumaas ang foreign investment commitments sa bansa. Ayon sa Philippine Statistics Authority, umabot sa P115.20 bilyon ang approved foreign investments sa ikalawang quarter ng 2026, mas mataas kaysa P68.48 bilyon noong nakaraang taon. Kapag isinama pa ang Filipino investors, pumalo pa ito sa P541.51 bilyon. Sa unang tingin, senyales ito na nananatiling interesado ang mga mamumuhunan sa Pilipinas.
Ngunit mahalagang tandaan: ang investment commitments ay hindi pa aktuwal na investments. Ito ay mga pangako at plano pa lamang. Maaaring matuloy, maantala, o tuluyang hindi maisakatuparan. Hindi pa ito awtomatikong bagong pabrika, trabaho, o dagdag na kita para sa mga Pilipino.
Kaya hindi sapat ang pagtuon sa laki ng numero. Ang mas mahalaga ay kung ilan sa mga proyektong ito ang aktuwal na maisasagawa, ilang trabaho ang malilikha, at gaano kalawak ang benepisyong mararamdaman ng mga komunidad.
May isa pang mahalagang detalye: kahit tumaas ang approved investments, bumaba ang inaasahang trabahong lilikhain ng mga ito kumpara noong nakaraang taon. Ipinapakita nito na maaaring malaki ang halaga ng puhunan, ngunit hindi ito laging katumbas ng mas maraming trabaho, lalo na kung capital-intensive ang mga proyekto.
Hindi masama ang ganitong uri ng investment. Kailangan ng bansa ang modernong industriya, enerhiya, at imprastraktura. Ngunit kung hindi ito nagreresulta sa malawak na oportunidad para sa mga manggagawa, kailangang suriin kung kanino talaga napupunta ang benepisyo.
Madaling gawing headline ang investment pledges, ngunit mas mahirap gawing realidad ang mga ito. Nakasalalay ito sa pag-ayos ng red tape, pagpapabilis ng permit, pagpapababa ng gastos sa kuryente at logistics, at pagpapatibay ng imprastraktura. Malaking hadlang din ang korapsyon at kawalan ng tiwala sa sistema, na nagiging dahilan kung bakit umaatras ang ilang investor.
Sa Southeast Asia puno ng kompetisyon, mula Vietnam hanggang Indonesia, hindi sapat ang panghihikayat lamang. Kailangang patunayan ng Pilipinas na ito ay mabilis, maayos, at mapagkakatiwalaang lugar para magnegosyo.
Kaya ang tunay na sukatan ay hindi ang dami ng pangako, kundi ang dami ng natutupad. Ang investment ay dapat nagiging aktuwal na pabrika, opisina, planta, trabaho, at buwis na nakikinabang ang mas nakararami.
Sa huli, hindi sapat ang pangako sa ekonomiya. Ang puhunan ay dapat dumating, ang trabaho ay dapat malikha, at ang benepisyo ay dapat maramdaman ng bawat Pilipino.
- Latest




















