Burton ipaparada ng NLEX

MANILA, Philippines — May nakuha nang kapalit ang NLEX para kay injured import Dequan Jones sa kanilang kampanya sa PBA Season 50 Governors’ Cup.
Hinugot ni coach Jimmy Alapag si Deonte Burton na naglaro para sa Stockton Kings sa NBA G League at sa Sacramento Kings kung saan niya nakasama ang dating PBA star point guard.
Inaasahang darating sa bansa ang 32-anyos na si Burton sa Setyembre 4 sa kalagitnaan ng seven-week break ng PBA para bigyang-daan ang pagsalang ng Gilas Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup 2027 Asian Qualifiers at sa 20th Asian Games.
Sa Oktubre 7 magbabalik ang mga aksyon sa pagsagupa ng NLEX sa guest team Macau at laban ng nagdedepensang TNT Tropang 5G at Terrafirma sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Isang undrafted player si Burton sa 2017 NBA Rookie Draft at nagdesisyong maglaro sa Korean Basketball League bago napabilang sa Oklahoma City Thunder sa 2018 season.
Matapos ang apat na season sa Thunder ay kinuha si Burton ng Stockton Kings sa G League bago pumirma sa Kings noong 2023.
Si Alapag ang assistant coach sa Stockton mula 2021 hanggang 2023 at naging players development coach ng Kings sa NBA.
Sa panahong iyon nakasama niya si Burton.
Nakalasap ang Road Warriors ng 110-112 kabiguan sa Converge FiberXers noong Biyernes na nagbaba sa kanilang baraha sa 7-1 sa Group A.
Ang top four teams sa Group A at B ang sasampa sa crossover quarterfinals.
- Latest


















