Gilas Boys, Australia agawan sa top spot
MANILA, Philippines — Haharapin ng Gilas Pilipinas Boys ang Australia para pag-agawan ang top spot sa Group A ng 2026 FIBA U18 Asian Championships sa Veer Savarkar Stadium sa Ahmedabad, India.
Magkikita ang mga Pinoy dribblers at Aussie cagers ngayong ala-1 ng hapon.
Umeskapo ang Gilas Boys sa Chinese Taipei, 89-88, habang inilampaso ng Australia ang Thailand, 102-32, sa pagsisimula ng kanilang mga kampanya sa torneo.
Muling babanderahan nina Ethan Aguas, ang nagsalpak ng game-winning basket laban sa Chinese Taipei, Jan Cagurungan, Prince Carino at Chog Moral ang Nationals.
Matapos ang Australia, sunod na lalabanan ng Gilas Boys ang Thailand sa Lunes sa alas-4 ng hapon.
May 1-0 record rin sa Group B ang New Zealand at Bahrain matapos talunin ang Syria, 67-58, at Lebanon, 74-68, ayon sa pagkakasunod.
Ang top seed teams sa Group A, B, C D ang makakakuha ng outright quarterfinal ticket, habang ang second at third teams ang mag-aagawan para sa huling apat na quarterfinal berths.
- Latest

















