Wilbert, nakasama sa condo sina Ion at Vice

Kamakailan ay ginanap ang sold-out concert ni Wilbert Ross na Written By sa New Frontier Theater.
Halos hindi makapaniwala ang actor-singer at songwriter na tatangkilikin ng mga tagahanga ang kanyang 10th anniversary concert. “Sobrang thankful ko, hindi ko in-expect. It’s an honor na mabigyan ng chance na mag-concert. Para ma-sold-out ng 15 minutes, sobrang dami na palang willing makinig sa musika ko, sa sulat ko (na mga kanta). Unreal at first pero ini-embrace ko na siya. I need to write more songs to inspire more other people,” nakangiting bungad sa amin ni Wilbert sa Fast Talk with Boy Abunda.
Kami ang naging kauna-unahang talent manager ng binata halos isang dekada na ang nakalilipas. Ngayon ay nasa bakuran na ng Viva Artists Agency si Wilbert.
Laking gulat umano ng aktor nang sorpresahin siya ni Vice Ganda sa mismong gabi ng concert. “Alam kong guest ko siya pero hindi siya nagre-reply. Natakot kaming lahat kasi walang nagre-reply sa kanyang team. Tapos nagsisimula na ‘yung concert, like konting numbers na lang, ano (number) na namin. Ready na akong kumanta na mag-isa. ‘Yung time na siya na, ready na akong kantahin ‘yung part niya. Tapos bigla siyang kumanta, grabe, bumuhos lahat sa akin.
“Isa rin ‘to sa mga taong naniniwala sa akin ever since. No’ng time na sobrang konti pa lang ang naniniwala sa akin. I’m so happy na ‘yung mga taong naniniwala sa akin from the start. Hindi pa nakita ng publiko pero nakita na ng isang Vice at isang Tito Boy Abunda,” pagbabahagi ng aktor.
Nanirahan daw si Wilbert sa bahay ng Unkabogable Blockbuster Superstar noong kasagsagan ng pandemya ilang taon na ang nakalilipas. Noon pa man ay malapit na ring magkaibigan sina Wilbert at Ion Perez. “No’ng pandemic, nalungkot po sila ni Ion na silang dalawa lang. Do’n niya po ako pina-stay for three weeks po yata. Naka-routine po ‘yon, nagba-badminton kami. Naglalaro kami ng PS5 ni Ion, nagdyi-gym. Parang ako ‘yung ano nila do’n, may ibang tao lang. Fun lang para hindi masyadong maging malungkot ‘yung pandemic. Nasa isang condo po kami before (ni Ion). Before po naging sila ni Ate Vice. Nasa isang condo po kami, nasa isang room siya, sa isa ako. So medyo close po talaga kami,” kwento niya.
Sampung taon nang aktibo ngayon sa show business si Wilbert. Lubos ang pasasalamat ng binata sa It’s Showtime kung saan nakilala bilang miyembro ng grupong Hashtags. “Sobra, Tito Boy. Lagi kong sinasabi na ‘yung buong pagkatao ko ngayon sa showbiz, nanggaling sa Showtime. Lalo na ‘yung comedy, ang dami kong comedy ngayon na projects. Kung hindi ako dumaan sa Showtime, nando’n ako as introvert person na mahiyain. Hindi ko kayang ilabas ‘yung arts ko. Na-mold talaga ‘yung buong pagkatao ko sa Showtime, Tito Boy,” paglalahad ng actor-singer.
(Reports from JCC)
- Latest

























