Gilas masusukat agad sa Bahrain sa Asiad

MANILA, Philippines — Mapapalaban agad ang defending champion Gilas Pilipinas sa opening game ng kampanya nito sa 2026 Asian Games na magsisimula sa Nagoya, Japan sa Setyembre.
Nasa Pool C ang Gilas Pilipinas kasama ang Bahrain, China at Kazakhstan.
Unang makakasagupa ng Gilas ang Bahrain sa Setyembre 11 sa alas-12 ng tanghali (oras sa Maynila).
Agad itong susundan ng laban ng Gilas kontra sa Kazakhstan sa Setyembre 12 sa alas-6 ng gabi (oras sa Maynila).
Mayroon namang isang araw na pahinga ang Gilas bago makaharap ang powerhouse China sa Setyembre 14 sa alas-12 ng tanghali.
Bago ang Asian Games, sasabak muna ang Gilas sa second round ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Agosto 28 at 30 kung saan makakalaban nito ang Jordan at Iran.
Ang Jordan ang tinalo ng Gilas sa finals ng Asian Games sa Hangzhou, China noong 2023.
Subalit alam naman ni Gilas head coach Tim Cone na malaki na ang pinagbago ng Jordan.
“We’ve been looking at their videos already. I even went back to the (2023) Asian Games and viewed that a couple nights ago. The players in the Asian Games the last time we played against are different, their stars are the same,” ani Cone sa programang Power and Play.
Kaya naman kailangan ni Cone na bumuo ng bagong game plan para masigurong madedepensahan ng Gilas ang korona nito sa Asian Games.
Lalarga ang Asian Games mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Pinakaunang lalaruin ang basketball sa Asian Games mula Setyembre 10 hanggang 20.
Kaya naman umaasa ang Gilas na ito ang magbibigay ng unang gintong medalya ng Pilipinas sa naturang quadrennial meet.
- Latest

















