Meralco may bawas-singil ngayong Agosto

MANILA, Philippines — May bawas sa singil sa kuryente ngayong Agosto matapos ibaba ng Manila Electric Company (Meralco) ng P0.0428 kada kilowatt-hour (kWh) ang kabuuang rate nito.
Mula P14.8261 kada kWh noong Hulyo, magiging P14.7833 kada kWh ang kabuuang singil ngayong Agosto. Katumbas ito ng tinatayang P9 na bawas para sa mga bahay na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, pangunahing dahilan ng pagbaba ang P0.5861 kada kWh refund na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC). Inatasan ng ERC ang Meralco na mag-refund ng kabuuang P9.5 bilyon sa mga customer nito kaugnay ng Actual Weighted Average Tariff (AWAT).
Gayunman, nabawasan ang epekto ng refund dahil sa pagtaas ng ilang bahagi ng singil, kabilang ang ancillary service charge na nadagdagan ng P0.3024 kada kWh, taxes at iba pang charges na tumaas ng P0.2113 kada kWh, at generation charge na umakyat ng P0.0296 kada kWh.
Sinabi ng Meralco na ang generation at transmission charges ay mga pass-through cost na ipinapasa sa mga power supplier at National Grid Corporation of the Philippines, habang ang taxes, universal charges at Feed-in Tariff Allowance ay napupunta sa gobyerno.
- Latest















