Murabeh nagpasiklab sa MMTCI Imported Horses race
MANILA, Philippines — Nakapanood ng magandang bakbakan ang mga karerista nang manalo ang Murabeh sa MMTCI Sponsored Stakes Race 4-Year-Old Imported Horses na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Mabilis na lumabas ng aparato ang liyamadong Calculus na ginabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce para hawakan ang unahan.
Nasa pangalawang puwesto naman ang Grand Jefe sa kaagahan ng karera habang nagbabanatan sa tersero ang Nanananabooboo at Murabeh.
Lamang ng dalawang kabayo ang Calculus sa Grand Jefe sa kalagitnaan ng karera, nasa tersero ang Nanananabooboo at pang-apat ang Murabeh.
Pagdating sa far turn ay nakapitan ang Calculus ng Nanananabooboo, nasa tersero ang Grand Jefe habang lumalapit na rin sa unahan ang Murabeh.
Papalapit ng home turn ay makapanabayan na ang apat na kabayo sa unahan, ito’y ang Calculus, Nanananabooboo, Grand Jefe at Murabeh.
Pagsungaw ng rekta ay naagaw na ng Murabeh ang bandera para tawirin ang finish line sa tiyempong 1:36.2 minuto sa 1,600 meter race.
- Latest
















