Higit 3K residente sinagip sa Cavite

MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit 3,000 katao ang nasagip sa mataas na tubig baha sanhi ng patuloy na malalakas na pag-ulan na dala ng southwest monsoon o habagat na nakaapekto sa mga mababang lugar sa lalawigan ng Cavite nitong Linggo.
Sa report ng Bacoor City Disaster Risk Reduction and Management Office, kaagad na minobilisa ang rescue operations katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa paglilikas sa mga residenteng na-trap sa mataas na tubig baha sa kanilang mga tahanan. Hanggang alas-10 ng umaga kahapon ay nasa kabuuang 931 pamilya na o katumbas na 3,172 indibiduwal ang nasagip at inilikas mula sa mga nalubog na mga kabahayan at dinala sa may 44 evacuation centers sa buong lungsod ng Bacoor.
Sa Imus City, umabot din sa mahigit 100 katao ang na-rescue ng PCG mula sa lampas dibdib na tubig baha bunsod na patuloy na malakas na pag-ulan at pag-apaw ng ilog. Karamihan sa mga nasagip ay mga matatanda, bata at sanggol. Isinagawa ang operasyon ng Coast Guard Station (CGS) Cavite at Coast Guard Outpost (CGO) Imus, sa pakikipagtulungan ng Imus City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO). Dinala ang mga residente sa itinalagang evacuation centers para sa kanilang kaligtasan.
Maging sa bayan ng Kawit ay patuloy ang nararanasang pagbaha kahapon kung saan may mga lugar na lagpas tao na at nangailangan din ng agarang rescue operations. Kabilang sa dumanas ng lagpas taong pagragasa ng tubig baha ay ang Brgy. Aroma Marulas dulot ng tuluy-tuloy na mga pag-ulan simula pa noong Sabado.
- Latest

















