Gilas Men kasama ang China sa Group C ng Asiad

MANILA, Philippines — Makakatapat ng defending champions Gilas Pilipinas Men ang karibal na China sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa susunod na buwan.
Magkakasama ang Gilas at China sa Group C at ang Bahrain at Kazakhstan.
Nasa Group A ang host Japan, South Korea, Saudi Arabia at Indonesia, habang ang Group B ay binubuo ng 2023 Asian Games runner-up Jordan, Iran, Chinese Taipei at Qatar.
Tinakasan ng mga Pinoy cagers ang mga Chinese, 77-76, sa kanilang semifinal game sa 2023 edition sa Hangzhou bago pinadapa ang mga Jordanians at si TNT Tropang 5G resident import Rondae Hollis-Jefferson sa finals para angkinin ang unang men’s basketball gold medal ng bansa sa nakaraang 61 na taon.
Unang magdedepensa ng korona ang Gilas kontra sa Bahrain sa Setyembre 11 kasunod ang Kazakhstan sa Setyembre 12 at ang China sa Setyembre 14.
Samantala, kasama ng Gilas Women sa Group B ang World No. 10 Japan, Kazakhstan at Hong Kong.
Bago sumabak sa Aichi-Nagoya Asiad ay lalaro muna ang mga Pinay dribblers sa FIBA Olympic Pre-Qualifying Tournament sa Agosto 17 hanggang 23 sa Guadalajara, Mexico.
- Latest





















