Beaver at Queenay, kinakiligan

Panay ang iyak ng child actor na si Bryce Nicolo Mercader matapos niyang mapanood ang ginawang pelikula na Kaka Sa Yawan (Brother by the River) sa gala night nito sa ginaganap na Cinemalaya 22: Reel Reflections.
Kabilang ang pelikulang pinagbibidahan nila ni Beaver Magtalas sa nine featured films sa ginaganap na Cinemalaya na palabas sa Shangri-La Plaza Cinemas at ilang Ayala Malls.
Hanggang lumabas ang batang actor ng sinehan ay umiiyak ito. “Iyak nang iyak si Nicolo!” sabi ng kanyang lola at isa sa mga co-producer ng pelikula Ms. Anna Liza Aklan (Bryce Entertainment Production).
‘Yun pala naalala niya ang kanyang ina kay Nikki Valdez na maysakit sa pelikula kaya ganun. “May sakit po kasi siya, naisip ko po ‘yon. Nakakaiyak po talaga. Malungkot po kasi ‘yon,” sabi pa ng bata.
Animo’y may pinaghuhugutan si Nicolo sa kanyang ginampanang character na naging natural at hindi tipong trying hard.
At lumuwas din sa Manila ang legit Mangyan na gumanap niyang kaibigan sa pelikula na si Dennis Dato kung saan doon mismo sa tribung Tadyawan ito nakatira.
Literal na bumaba siya ng bundok para lang dumalo sa gala night ng kanilang pelikula na ayon kay Direk Alpha Habon ay hindi siya nahirapang idirek ang dalawang bata bilang magkaibigan.
At pareho raw actually ang dalawang bata na si Coco Martin ang idolo.
Samantala, may mga nabitin naman sa mga eksena nina Beaver Magtalas at vlogger/influencer na si Queenay Mercado sa naturang pelikula. Naghuhumiyaw kasi ang chemistry nila, as in mayrong kilig. “Totoo po ba? Hahahaha!” gulat na reaksiyon ni Beaver nang sabihin sa kanya.
Kaya naman panay ang tanong sa kanya kung may chance ba na magtambal ulit sila ni Queenay.
“Tingnan po natin! Hindi naman po kami ano... we’re friends naman po! I guess, we’ll see! Tingnan po natin!” medyo natataranta pang sabi ni Beaver.
Anyway, magkaibigan ang role nina Beaver at Queenay na bata pa lang ay nagkrus na ang kanilang landas. Hanggang sa paglaki nila ay nagkita sila para balikan at harapin ang isang pangyayari sa nakaraan.
Kaya lang may isyu dahil may chance na magkamag-anak sila. Mercado ang last name ng mommy ni Beaver na si Filipina, at Mercado rin ang last name ni Queenay na isang Star Worx artist kaya parang mauudlot ang kilig sa kanilang tambalan.
Anyway, bida rin sa Kaka Sa Yawan sina Beaver Magtalas, Luis Alandy, Karl Medina, Noelle Polack, with the special participation of Benedix Ramos.
May kurot ang mga eksena na hindi lang tungkol sa pagkakaibigan kundi tungkol sa alaala, family, healing at forgiveness.
Na ang bahagi ng kikitain ay mapupunta sa Mangyan community.
Magkatuwang itong prinodyus ng Bryce Entertainment Production at IGMM Film Productions in partnership with Cinemalaya and Film Development Council of the Philippines.
- Latest

















