May separation pay bang aasahan?
Dear Attorney,
Usap-usapan po na magsasara na raw ang factory na aming pinagtatrabahuhan dahil sa pagkalugi ng negosyo. Maaari po ba kaming umasa na makakatanggap kami ng separation pay kapag natuloy ito? – Emil
Dear Emil,
Hindi ako makapagbibigay ng tiyak na kasagutan kung makatatanggap ba kayo ng separation pay, dahil naka-depende ito sa tunay na kalagayan ng inyong kompanya. Sa ilalim ng Article 298 ng Labor Code, ang pagsasara ng negosyo ay isa sa mga authorized causes ng pagtatanggal ng mga empleyado, at bilang general rule, ang mga empleyadong maaapektuhan nito ay dapat bayaran ng separation pay.
Ngunit may isang mahalagang exception dito. Ayon sa Korte Suprema sa kasong G.J.T. Rebuilders Machine Shop v. Ambos (G.R. No. 174184, 28 January 2015), ang tanging pagkakataon na hindi obligado ang employer na magbayad ng separation pay ay kapag ang pagsasara ng negosyo ay dahil sa serious business losses o matinding pagkalugi. Ito’y dahil hindi na makatarungang obligahin pa ang isang negosyong tuluyan nang nalulugi na gumastos pa ng karagdagang halaga para sa separation pay. Kaya kung mapapatunayan ng inyong kompanya na tunay ngang matindi ang kanilang pagkalugi, maaaring wala nga kayong matanggap na separation pay.
Ngunit hindi basta-basta ang exception na ito. Kailangang patunayan ng employer ang kanilang pagkalugi sa pamamagitan ng sapat na ebidensiya upang makaiwas sa pagbabayad ng separation pay. Ayon sa Korte Suprema sa kasong Manila Polo Club Employees’ Union v. Manila Polo Club, Inc., (G.R. No. 172846, 24 July 2013), kailangang mapatunayan din ng employer na ang pagsasara ay ginawa nang walang masamang hangarin at hindi upang maiwasan lamang ang mga obligasyon sa mga empleyado. Kailangan din mabigyan ng written notice ang mga apektadong empleyado at ang DOLE nang hindi bababa sa isang buwan bago ang itinakdang petsa ng pagsasara.
Kaya kung matuloy man ang pagsasara ng inyong pinapasukan, hintayin ninyo ang pormal na nakasulat na abiso. Tandaan din na kahit wala kayong matatanggap na separation pay kung totoo man ang matinding pagkalugi ng inyong employer, may karapatan pa rin kayong matanggap ang inyong mga natitirang sahod, pro-rated na 13th month pay, at iba pang benepisyong kinita na ninyo. Kung sa tingin naman ninyo ay hindi naman totoo ang sinasabing pagkalugi o ginagamit lamang itong dahilan, maaari kayong magsampa ng reklamo sa National Labor Relations Commission upang obligahin ang kompanyang patunayan ang kanilang pagkalugi at nang mabayaran kayo ng separation pay sakaling hindi naman pala ito totoo.
- Latest



















