Grade 9 student na-trap sa sunog, tusta

IMUS CITY, Cavite, Philippines — Patay ang isang 14-anyos na estudyante matapos ma-trap sa loob ng nasusunog nilang bahay sa Villa Celina Subdivision, Barangay Bayan Luma 7, madaling araw noong Huwebes, Agosto 6. Kinilala ng mga awtoridad ang biktimang si alyas “Julie,” 14-anyos, isang Grade 9 student, residente ng lugar.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang apoy bandang ala-1:30 ng madaling araw habang mahimbing na natutulog ang biktima kasama ang kanyang mga magulang sa ikalawang palapag ng bahay.
Nagising ang mag-asawa dahil sa makapal na usok at kawalan ng kuryente.
At dahil sa naunahan ng panic, mabilis na lumabas ng bahay ang mga magulang at naiwan ang anak nilang dalagita sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Hindi na nagawa pang makalabas matapos na makulong ng apoy.
Agad na rumesponde ang mga bumbero sa pamumuno ni Fire Chief Inspector Obligar sa lugar at matapos ang mahigit sa isang oras ay naapula ang sunog at naideklarang “under control” alas-3:14 ng madaling araw. Narekober naman ang katawan ng dalagita na sunog na sunog.
Sinusuri na ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at BFP ang natupok na bahay upang alamin ang sanhi ng sunog.
- Latest



















