Trader, pinatay at sinunog sa kotse

Dyowa ng karelasyong babae, nagselos…
MANILA, Philippines — Pinatay muna sa bugbog ang isang lalaking negosyante bago ito inilagay sa trunk ng kanyang kotse at sinunog noong Martes ng gabi sa isang farm sa Barangay Daungan, Guiguinto, Bulacan.
Sa pahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ang biktima ay isang 29-anyos na lalaking may-asawa na taga Pulilan, Bulacan at may financing company.
Lumalabas sa imbestigasyon na inutusan ng lalaking suspek ang kinakasamang babae na makipagrelasyon sa biktima para “huthutan” pero kinalaunan ay nagseselos na umano ang una.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 3 Regional Director PBGen. Jess B. Mendez, crime of passion ang motibo sa nasabing krimen kung saan ang nasabing biktima ay nagkaroon ng relasyon sa babaeng suspek na ikinaselos ng ka-live in nito.
Hinihinalang inakit ng babaeng karelasyon ang biktima na pumunta sa Bulakan, Bulacan at pagdating sa lugar ay pinagtulungang paluin sa ulo, pinosasan, at sinakal ng alambre hanggang sa mamatay.
Ang bangkay ay inilagay sa trunk ng kotse ng biktima na Mitsubishi Mirage saka dinala sa Guiguinto kung saan ito sinunog at iniwan, alas-11:15 ng Martes ng gabi.
Sa isinagawang hot pursuit operation, unang naaresto si Ronnie Alcantara sa Barangay San Francisco, Bulakan at sunod ay si Ramon Gamba sa San Vicente Fish Market sa Malolos City.
Pinaghahanap pa ang magka-live in na tinuturing na utak sa krimen.
- Latest




















