10 sa 14 na ‘Maleta Boys’, inaresto sa perjury
MANILA, Philippines — Inaresto kahapon ang 10 sa 14 na tinaguriang “Maleta Boys” matapos hindi umabot sa deadline ng paglalagak ng piyansa sa Las Piñas Regional Trial Court (RTC) sa kinakaharap na four counts of perjury, na nagkakahalaga ng P18,000.00 sa bawat bilang.
Isang lalaki na nagproseso sa korte ang umamin na hindi umabot ang pagbabayad sa piyansa sa bangko habang ang tatlo ay nakaabot.
Ang sampu ay pinosasan gamit ang cable tie ng mga tauhan ng Las Piñas City Police Station, sa pangunguna ni P/Lt. Col. Teoson Rosarito, Asst. Chief of Police for Operations.
Tatlo naman sa kanila ang umabot sa deadline kaya naiproseso ang release order, habang ang isa umano ay umuwi sa probinsya.
Hindi naman nakita ang isa sa 14 na kabilang din sa mga nagpakilalang mga dating bodyguards ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Kaugnay ito sa ipinalabas na warrant of arrest noong Martes ni Las Piñas RTC Judge Kathryn Sabado sa kasong isinampa nina Rep. Leila De Lima, dating Senador Antonio Trillanes IV, dating National Security Adviser Eduardo Año, at Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr.
Umamin naman si Atty. Levy Baligod na ang 14 na lang ang kanyang kinakatawan dahil ang apat ay pawang nag-recant na.
- Latest



















