Vlogger na tinawag na ‘failed state’ ang Pinas, kinondena
MANILA, Philippines — Mariing kinondena ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang pahayag ng political vlogger na si Jun Abines, na tumawag sa Pilipinas na isang “failed state” at paglalarawan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) bilang mga “mersenaryong nagsisilbi sa mga kriminal”.
Ayon kay Goitia, na ang walang katotohanang pahayag ni Abines na isang malaking insulto sa halos 400 libong kabuuang sundalo at pulis na araw-araw na nagsasakripisyo upang ipagtanggol ang bansa at paglingkuran ang sambayanan.
“Karapatan ng bawat Pilipino ang punahin ang pamahalaan. Iyan ang demokrasya. Pero ang husgahan ang buong AFP at PNP dahil sa kasalanan ng iilan ay hindi katarungan.Sila ang nagbabantay sa ating soberanya, tumutulong sa oras ng kalamidad, at nagsasakripisyo upang mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad,” ani Goitia.
Aniya, ang isang bansang maituturing na “failed state” ay yaong hindi na gumagana ang pamahalaan, hindi na naipatutupad ang batas, at hindi na kayang gampanan ng estado ang mga pangunahing tungkulin nito—isang paglalarawang malayong-malayo sa kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas.
Kasabay nito, isinusulong ng Marcos administration ang modernisasyon ng AFP, pagpapalakas ng seguridad sa karagatan, pagpapalawak ng ugnayang pangdepensa, at iba pang repormang nagpapatibay sa kakayahan ng estado na pangalagaan ang bansa at ang mamamayan.
- Latest















