Alden, may panawagan na kumilos!

MANILA, Philippines — Ngayong Sabado (Agosto 8) na maglalakbay si Alden Richards sa iba’t ibang panig ng Pilipinas upang alamin ang mga kuwento sa likod ng lumalalang krisis sa edukasyon ng bansa sa Rebuilding Broken Rooms: A GMA Public Affairs Education Special.
Para kay Alden, ang dokumentaryong ito ay hindi lang basta isang television special—isa itong panawagan para kumilos. “Gusto kong magamit ‘yung boses na meron ako para maipalaganap ‘yung mensahe na kailangan marinig ng sambayanan. Gusto ko maging part nung advocacy para mamulat natin ‘yung mga tao sa kung ano ba talaga ‘yung sitwasyon ngayon,” aniya.
Sisimulan ni Alden ang kanyang paglalakbay sa Tinungkaan Elementary School sa Alabel, Sarangani, na kinilala ng EDCOM II bilang paaralang may pinakamataas na bilang ng mga low-emerging readers sa buong bansa.
Kasama si Teacher Gerwin, araw-araw tumatawid ng ilog at umaakyat ng bundok ang mga estudyante upang makarating sa kanilang mga pansamantalang silid-aralan.
Sa Rosauro Almario Elementary School sa Tondo, Maynila, pito sa bawat 10 mag-aaral ang hirap bumasa at umunawa—ang pinakamataas na bilang ng low-emerging readers sa Metro Manila.
Isa sa kanila ang Grade 2 student na si Jannah Will, na hanggang ngayon ay hindi pa rin makabasa ng isang buong pangungusap.
May mga araw na hindi siya nakakapasok dahil walang pamasahe. Bagama’t may paaralang malapit sa kanilang tahanan, nananatili itong sarado matapos masunog dalawang taon na ang nakalipas.
Sa Ciudad Nuevo Elementary School sa Naic, Cavite, napilitang magtayo ng mga pansamantalang classroom dahil sa kakulangan ng espasyo. Samantala, sa Calubcob Elementary School, ginawang mga silid-aralan ang mga bakanteng housing unit sa isang residential project, kung saan nag-aaral ang mga bata sa gitna ng matinding init, ingay, at hindi angkop na kapaligiran.
Mula sa mga liblib na komunidad sa kabundukan hanggang sa masisikip na urban communities, hahanapin ng Rebuilding Broken Rooms ang mga sagot sa lumalalang krisis sa edukasyon habang binibigyang-pugay ang katatagan ng mga batang patuloy na ipinaglalaban ang kanilang karapatang matuto at ng mga gurong hindi sumusuko sa kabila ng kakulangan ng mga kagamitan at pasilidad.
- Latest






















