Paggamit ng alyas sa spy funds, hindi bawal – COA auditor
MANILA, Philippines — Hindi umano ipinagbabawal sa ilalim ng Joint Circular 2015-01 ang paggamit ng code names o mga alyas sa mga acknowledgment receipts (ARs).
Ito ang sagot kahapon ni Roderick Wamil, dating state auditor ng Commission on Audit-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) sa tanong ni Senator-judge Bam Aquino kung pinapayagan ng mga ahensya ang paggamit ng alyas o hindi totoong pangalan sa pagtanggap ng confidential funds sa ika-13 araw ng paglilitis.
“Based on the provision of the joint circular, it is neither allowed nor prohibited po since silent po iyong joint circular as to that,” tugon ni Wamin sa tanong ni Aquino.
Dagdag pa niya, walang paraan ang mga auditor upang matukoy batay lamang sa mga dokumento kung ang mga isinumiteng pangalan ay mga alyas o tunay na pagkakakilanlan.
Ang Joint Circular No. 2015-01, na inilabas noong Enero 2015 ay naglalaman ng mga alituntunin sa karapatan, pagpapalabas, paggamit, pag-uulat, pag-audit ng confidential, at intelligence funds.
Sa mga pagdinig ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, lumitaw ang ilang kakaibang pangalan katulad nina Mary Grace Piattos, Andy Lim, at Alejandro Pikit sa mga AR na isinumite ng kanyang tanggapan sa Commission on Audit (COA).
Nang linawin ni Aquino kung ang tinutukoy lamang ba niya ay ang 2015 circular, sinabi ni Wamil na wala siyang matandaang anumang probisyon tungkol sa paggamit ng mga alyas sa loob ng kanyang 10 taong panunungkulan sa COA-ICFAO.
Nang tanungin naman ni Senate President Sherwin Gatchalian ang saksi kung may iba pang ahensiya ng gobyerno na gumagamit ng mga alyas sa kanilang mga resibo.
Muling sinabi ni Wamil na walang paraan ang COA upang beripikahin ito dahil walang mga kalakip na dokumento na magpapatunay na ang mga pangalang nasa mga resibo ay mga alyas.
- Latest






















