Sen. Bato namataan sa Mindanao area – DILG
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na huling natukoy na lokasyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Mindanao area.
Kasabay nito ay mariing itinanggi ni Remulla ang mga kumakalat na balita na inaresto na si Dela Rosa kaugnay ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon pa sa kalihim, binirepika na ng mga otoridad ang naturang ulat subalit walang nakitang batayan sa mga claim na inaresto ang mambabatas.
Tiniyak naman ni Remulla na susundin ng mga otoridad ang legal na proseso kabilang ang booking at pagharap sa senador sa lokal na korte bago ito maging subject ng extradition.
Magugunita na nagsimulang magtago si Dela Rosa mula nang umalis ito sa compound ng Senado sa Pasay matapos ang shooting incident noong Mayo.
Kasalukuyang may arrest warant si Dela Rosa mula sa ICC bilang isa sa umano’y co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity may kinalaman sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng Duterte administration.
- Latest















