Alas Girls mapapalaban sa China

MANILA, Philippines Kaagad makakatapat ng Alas Pilipinas Girls ang defending champion China sa pagsisimula ng FIVB Volleyball Girls’ U17 World Championship bukas (Manila time) sa Liceo Mixto San Felipe sa Chile.
Sa Sabado lalabanan naman ng mga Pinay junior spikers ang Mexico kasunod ang Tunisia sa Linggo, Peru sa Agosto 9 at Venezuela sa Agosto 12.
Kasama ng Alas Girls—sinusuportahan ng POC, PSC at Asics—sa Pool B ang World No. 1 China, Mexico, Peru, Tunisia at Venezuela.
Umangat ang Nationals sa No. 25 sa world rankings matapos ang matagumpay na kampanya sa Amman noong Nobyembre tampok ang mga panalo sa Iran, Hong Kong at Japan.
Ang host na Chile ang nangunguna sa Pool A na kinabibilangan ng Czechia, Egypt, Thailand, Turkiye at USA, habang pinamumunuan ng World No. 2 Japan ang Pool C kasama ang Argentina, Brazil, Croatia, Spain at Poland.
Ang Pool D ay binubuo ng No. 3 Italy, Korea, Algeria, Dominican Republic, Puerto Rico at Chinese Taipei.
Ang mga laro sa Pool B ay gagawin sa San Felipe, habang ang mga aksyon sa Pool A at Pool C ay idaraos sa Santiago at ang mga laban sa Pool D ay lalaruin sa Los Andes.
Sa pagdating ng Alas Girls sa Santiago ay binigyan sila ni Philippine Ambassador to Chile Celeste Vinzon-Balatbat ng masarap na panaghalian.
Nagbigay din si Vinzon-Balatbat ng inspirasyon sa tropa sa kanilang pagsabak sa 24-team tournament.
“It’s wonderful how sports is part of your life as young women. Sports help develop your character. It instills discipline in you. It instills grit in you. It helps you deal with setbacks in life because you know life is not all about wins. You also have to learn to have the grace to face defeat,” wika ng Philippine Ambassador to Chile.
- Latest
























