Final Gambit kakasa sa Sprint race
MANILA, Philippines — Puspusan ang paghahanda ng limang dekalidad na pang karerang kabayo dahil nakatakda nilang salihan ang 2026 PHILRACOM “3-Year-Old Sprint Stakes Race” na ilalarga sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas sa darating na Agosto 16.
Nakalaan ang guaranteed prize na P1-M na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, ang mga nagsaad ng paglahok ay ang Animo Magnolia, Edge Of Glory, Final Gambit, Georgia at My Oh My.
May distansyang 1,000 meter race, hahamigin ng mananalong kabayo ang P600,000, mapupunta sa pangalawa ang P225,000 habang P125,000 at P50,000 ang third at fourth placers, ayon sa pagkakasunod.
Base sa komento ng mga karerista sa social media, posibleng magpakitang gilas ang kalahaok na Final Gambit na rerendahan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce.
Posibleng magbigay ng magandang laban ang Georgia na sasakyan naman ni jockey Jomer Estorque.
Inaasahang paglabas ng aparato ay itotodo agad ng mga hinete ang kanilang sinasakyang kabayo upang makapuwesto ng maganda dahil maiksi lamang ang distansya at walang puwang ang maantala sa largahan.
“Kailangan maganda ang salida kasi kapag hindi maganda ang unang lundag mo baka mahirapan ng maka remate dahil bukod sa maiksi lang ang karera ay mabibilis sa largahan ang mga kasaling kabayo,” ani Arturo Vicente Dela Cruz, veteran karerista.
- Latest






















