Barbie, ‘di pa handang pabuntis kay Richard!

Inamin ni Barbie Imperial na hindi pa siya ready na maging mommy sa ngayon.
Sa kanyang panayam sa digital talk show na Hello Outside World ng ABS-CBN ay nagbigay ng pahayag ang aktres ng kanyang saloobin hinggil sa pagkakaroon ng anak.
Aminado naman si Barbie na gusto niyang maging mommy someday pero hindi pa raw sa ngayon. “I wanna be a mom talaga, gusto ko. Mahilig ako sa mga kids, ate. Pero hindi ko pa siya naiiisip talaga ngayon. I’m only 27, ang dami ko pang gustong gawin,” aniya.
Paliwanag pa ng aktres, “Isang factor for me kaya hindi pa ako ready, kasi sa gobyernong ‘to, parang... paano? Sa sistemang ‘to, paano? ‘Yung healthcare, ‘yung edukasyon, parang if ngayon, parang paano? Anong mangyayari sa pamilya?”
Isa pang dahilan, ayaw raw niyang maranasan ng magiging anak niya ang mga hirap na pinagdaanan niya noong bata siya. “Kasi pinagdaanan ko rin eh, so parang lahat ng mangyayari sa anak ko, ime-make sure ko na hindi ‘yun ‘yung mga pinagdaanan ko,” aniya.
Samantala, kahit wala pang anak si Barbie ay mukhang mahal na mahal naman niya ang dalawang anak ng boyfriend niyang si Richard Gutierrez na sina Zion at Kai.
Sey nga niya sa interview namin sa kanya recently ay very close raw siya sa dalawang bata at love na love raw niya ang mga ito.
Kapatid ni Echo, nagsalita sa pagkawala
Nagpaliwanag na ang kapatid ni Jericho Rosales na si Jeremiah Rosales hinggil sa mahigit isang buwan niyang pagkawala noong Hunyo na naging dahilan para maalarma ang kanyang pamilya at manawagan sa social media.
Sa panayam ng dating aktor sa vlog ni Julius Babao, nagsimula raw ang kanyang paglayas nang magkaroon sila ng pagtatalo ng kanyang anak na babae.
Inamin niya na talagang bumalik siya sa dating bisyo dahil din sa hirap ng buhay na pinagdaanan niya hanggang sa nag-away sila ng kanyang anak at naging dahilan ito para isumbong siya nito sa kanyang Kuya Echo.
Nagdesisyon daw si Jericho na ibalik siya sa rehabilitation center. Nang malaman daw niya ang planong ito ay tumakas na raw siya dala lang ang kanyang wallet at motor.
Humiram daw siya sa kaibigan ng pamasahe patungong Bicol kung saan naroroon ang kanyang iba pang pamilya (stepmom and half-siblings) at doon nag-stay for one month.
Doon ay nagtrabaho raw siya bilang construction worker hanggang sa nalaman niya na ini-report siya ng partner niya bilang missing person. Natakot siya na baka raw kunin siya at dalhin muli sa rehab, kaya nagpalipat-lipat daw siya ng lugar.
Nang mabalitaan daw niya na alam na ni Echo na naroroon siya ay nagpapadala pa ito ng panggastos at pagkain niya sa kanyang uncle, naging kampante na raw siya. “Doon ako nag-decide na talagang babaguhin ko na ang sarili ko at babalikan ko ang pamilya ko,” saad ni Jeremiah.
Humingi naman ng sorry si Jeremiah sa kanyang pamilya. “Ito na naman ako, hihingi ng tawad sa inyo. Sorry naging marupok ako,” aniya.
Mensahe naman ni Jeremiah kay Echo, “Pinipilit ko magbago, ‘tol. Kilala mo naman ako, eh. Mahina lang ‘yung foundation ko pero nagpapakatigas ako. Ito na siguro ‘yung time na talagang behold na ako ng Panginoon na talagang desidido na akong magbago. I love you.”
Sa ngayon ay nakatira si Jeremiah at ang kanyang pamilya sa dati nilang family house na unang ipinundar ni Jericho.
- Latest




















