Mag-asawa patay, 2 sugatan sa drag racing!

MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang isang drag racing matapos na masalpok ng isa sa apat na motorsiklong nagkakarera ang isang mag-asawa na lulan ng motorskilo na kanilang ikinasawi habang dalawa pa ang sugatan sa kahabaan ng Davao-Bukidnon Road, Catalunan Pequeno sa lungsod ng Davao kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Angelou Isidro, call center agent at si Lovely Kim Cadayona, 27 taong gulang, Food Panda rider.
Sa report ng Davao City Police, nangyari ang malagim na insidente sa nasabing lugar bandang alas-2:50 ng madaling araw nitong Lunes. Lulan ng motorsiklo ang mag-asawa nang biglang sumulpot ang apat na motorsiklong nagkakarera at salpukin sila ng isang 19-anyos na rider na kasali sa drag racing.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mag-asawa sa motorsiklo na kapwa nagtamo ng malubhang sugat sa katawan at agad binawian ng buhay.
Ang 19-anyos na driver na nakabangga sa mag-asawa at isa pang motorista na nahagisan ng natanggal na gulong ng motorsiklo ng una ay nasugatan sa insidente. Sila ay isinugod ng mga rescuer mula sa Barangay Catalunan Pequeno Disaster Risk Reduction and Management Council sa Southern Philippines Medical Center kung saan kasalukuyan silang nilalapatan ng lunas.
Nagsitakas naman ang tatlo pang lalaking sangkot sa drag racing na inabandona ang nasugatan nilang kasamahan sa takot na maabutan ng mga awtoridad.
- Latest



















