Quezon City fire: Mag-asawang senior todas

MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang mag-asawang senior citizen sa sunog na naganap kamakalawa ng gabi Quezon City.
Batay sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit-Quezon City Police District (CIDU-QCPD), nangyari ang sunog bandang alas-7:17 ng gabi sa bahay ng mga biktimang sina Romeo, 91 at Celina Magat, 92, kapwa retired employees sa East Heights Fairview, Brgy. Greater Fairview, ng nabanggit na lungsod.
Sa pagsisiyasat ni PCpl Ghinoo Galit, naiwan sa bahay ang mag-asawang biktima nang umalis upang magsimba ang kanilang kasambahay bandang alas-5:30 ng hapon.
Nagulat na lamang ang kasambahay nang makita sa kanyang pag-uwi ang nasusunog ng bahay ng mga biktima kasunod ang pagdating ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protecton (BFP).
Ayon naman kay FSInps Bernardo Soriano, hepe ng Fairview Fire Station, naapula ang sunog bandang alas-8:37 ng gabi at nakita ang mga sunog na bangkay ng mag-asawa.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon ni Fire Investigator SFO1 Derick Caranto ng Quezon City Fire District, na hinihinalang nagmula ang apoy sa likurang bahagi ng bahay hanggang sa mabilis na kumalat hanggang sa ma-suffocate ang mga biktima.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.
- Latest

















