P85 dagdag sahod sa NCR, epektibo na
MANILA, Philippines — Simula kahapon, Hulyo 25, epektibo na ang unang tranche ng P85 arawang umento sa sahod sa National Capital Region (NCR), ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa ilalim ng Wage Order No. NCR-27, ang inisyal na P60 dagdag-sahod para sa non-agriculture sector na magdadala sa P755 mula sa daily minimum na P695.
Para naman sa agriculture sector, service at retail shops, na may 15 o mas mababang bilang ng empleyado ay magiging P718 mula sa dating P695, gayundin sa manufacturing firms na may mas mababa sa 10 ang regular workers.
Ang ikalawang yugto ng umento na P25 ay ipatutupad sa Enero 20, 2027, na magtataas sa minimum wage sa P780 para sa non-agricultural sector at P743 para sa iba pang sektor.
Sa isang pahayag, sinabi ni DOLE Secretary Francis Tolentino na ang pagtaas ng sahod ay naglalayong mapalakas ang kakayahang bumili ng mga Pilipino at tulungan silang makasabay sa mga kondisyon ng ekonomiya, tulad ng inflation, pagtaas ng bayarin sa kuryente, sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga manggagawa.
Ito ang pinakamalaking pagtaas sa Metro Manila hanggang sa kasalukuyan na nakinabang sa mahigit 1.1 milyong manggagawang may minimum na sahod sa rehiyon.
Pinaalalahanan ni Tolentino ang mga employer na sundin ang pagsasaayos ng sahod dahil ang hindi pagsunod ay magreresulta sa mga parusang itinakda ng batas.
- Latest

















