3 babae sinagasa ng 2 sasakyan, 2 todas
MANILA, Philippines — Dalawang babae ang patay kabilang ang isang 18-anyos na estudyante habang isa pa ang kritikal matapos silang salpukin ng dalawang sasakyan habang tumatawid sa Tagaytay-Sta Rosa Road at tinakasan sa Brgy. Pasong Langka, Silang, Cavite nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala lang ang mga nasawi sa mga alyas na “Lyn”, 40-anyos, isang waitress, residente ng Amadeo Cavite; alyas “Vhiel”, 18-anyos, working student, ng Pasong Langka Silang, habang ang sugatan ay si alyas “Nicole”, 20-anyos, canteen employee, ng Tagaytay City.
Pinaghahanap na ng pulisya ang mga tumakas na dalawang ‘di pa mabatid na sasakyan lulan ang mga hindi kilalang driver matapos ang insidente.
Base sa ulat, alas-7:06 ng gabi ay magkakasabay na tumatawid sa kalsada ang tatlong biktima nang salpukin ng isang ‘di pa mabatid ng sasakyan.
Tumilapon ang mga biktima sa kabilang lane ng kalsada at muli pang nasagasaan ng paparating na isa pang sasakyan.
Kapwa tumakas ang dalawang sasakyan habang agad na naitakbo ng rumespondeng ambulance ang mga biktima at dinala sa pagamutan. Guyunman, hindi na naisalba pa ang dalawa habang nananatiling kritikal ang isa pa.
- Latest















