Pepito ipaparada ng Capital vs Nxled
MANILA, Philippines — Ang pagsampa sa win column ang hangad ng Nxled, habang ipaparada ng Capital1 Solar Energy si 2026 Rookie Draft No. 2 overall pick Detdet Pepito sa pagpapatuloy ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour.
Lalabanan ng Chameleons ang Solar Spikers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang banatan ng nagdedepensang PLDT High Speed Hitters at Choco Mucho Flying Titans sa alas-6:30 ng gabi sa Chavit Coliseum sa Vigan City, Ilocos Sur.
Solo ng ZUS Coffee ang liderato hawak ang 2-0 kartada kasunod ang Creamline at Galeries Tower na parehong may 1-0 baraha, habang may magkakatulad na 0-1 marka ang Choco Mucho, Nxled, Farm Fresh at Akari.
Hindi lalaro para sa Capital1 sina Alas Pilipinas pool members Bella Belen, Vanie Gandler at Erika Santos na naghahanda para sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre.
Kaya sasandig si Brazilian coach Jorge Souza de Brito kina Pepito, Shaya Adorador, Pauline Gaston, Trisha Genesis, France Ronquillo at Sydney Niegos.
Muli namang aasa ang Nxled kina Fil-Am Brooke Van Sickle, Myla Pablo, MJ Phillips, Lyann de Guzman, Chiara Permentilla, Jackie Acuña at setter Gel Cayuna.
Nakalasap ang Chameleons ng 18-25, 23-25, 25-16, 19-25 pagkatalo sa Cool Smashers sa pagbubukas ng torneo noong Hulyo 8 sa Ilagan, Isabela.
Sa ikalawang laro, sisimulan ng PLDT ang pagtatanggol sa kanilang PVL On Tour crown laban sa Choco Mucho na maglalaro na wala sina Alas Pilipinas standouts Eya Laure, Dawn Catindig at Sisi Rondina.
Sina Fil-Canadian Savi Davison, Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Mika Reyes at Kim Fajardo ang babandera sa High Speed Hitters katapat sina Caitlyn Viray, Des Cheng, Kat Tolentino, Isa Molde, Thang Ponce at No. 3 overall rookie pick Tin Ubaldo ng Flying Titans.
- Latest






















